narcissus in drag

some kinda wonderful,yeah!

20050224

ang sa akin lang naman

Taklesa kasi ako.

Nagsisimula ng gulo.

Eh, malay ko ba. Talagang wala nga akong malay nung sinabi ko iyon.

Natiyempuhan kasing magkakasama-sama kaming mga Pinoy na dealer sa isang break. Ngayon, napunta sa usapan ang hatian ng tip. Bigla kong nabanggit na noon naman, walang tip na natatanggap ang mga kahera. Noon, dadalawa lang ang host na nakikihati. At noon, walang mga slot attendants. At natiyempuhan ring may Pilipinang kahera sa loob ng break room. Hindi ko alam kung nakikinig siya sa usapan. Pero pwedeng pagsimulan ng tsismis. At magbabago na ang paningin ng mga kahera sa akin. Kahit komo totoo ang sinabi ko, hindi maiiwasang masamain nila ang sinabi ko't isiping sugapa ako.

Dahil totoo namang sugapa ako sa pera. Aaminin ko. Prangkahan na iyan. Pero sa totoo rin lang, walang may gusto sa isang sugapa. Lalo na kapag ang tsismis ay may kakayahang mag-evolve. Lalo na at kapag hindi kayang respetuhin ng ibang tao ang pananaw mo. Aba, eh kung pwede lang bang kanya-kanya na lang bakit hindi?

Kasi noon, sa lumang kasino, ang departamentong naghahati-hati sa tips ay ang departamento ng mga dealer at bisor, ng guest services at ng slot attendants. Komo walang slot machines noon sa lumang kasino, dalawang departamento lang ang naghahati-dealer/bisor at guest services. Noon, dadalawa lang ang miyembro ng guest services. Hindi ko mabilang ang bisor at dealer pero hindi kasingdami ng sa ngayon.

Kasi ngayon, sa bagong kasino mahigit kumulang limang daan ang bilang ng mga dealer/bisor. Apatnapung katao ang nasa panig ng guest services. Dagdag mo pa ang isang daang slot attendants. At ngayon, kasama na ang mga kahera sa hatian ng tip.

Ang saklap ng buhay ng dealer ngayon. Dahil ang dating ginhawang tinatamasa ay napingasan dahil sa bagong sistemang nangyari. Bigla na lang itinalaga ang bagong hatian nang hindi man lamang hinihingi ang opinyon ng mga manggagawang kumikita ng tip mismo sa mga kustomer. Walang botohang naganap para hingin ang kung ano mang pagtangging pwedeng maganap.

Ngayon, maraming nagrereklamo. Ngayon, nagkakandarapa ang unyong itinatag para dinggin ang hinaing ng mga empleyado. Ngayon, matapos pagdesisyonang walang matatanggal sa hatian, nag-isip sila ng iba pang paraan para mabigyang lunas ang reklamo ng mga dealer/bisor. Sa bagong sistema ng hatian na kanilang ihinahain para pagdesisyunan, ang departamento ng guest services ay magkakamit lang ng 75% mula sa nahakot na tip. Kung ang bagong sistema ay mapatupad, sa loob ng isang taon, madadagdagan ng $200 ang kita ng isang dealer o bisor o slot attendant at mawawalan ng $3000 ang isang tauhan ng guest services.

At noong ipinalabas nila ang proposal na iyon, may nakasipi pang ibang sulatin na nagsasaad ng tungkulin ng bawat departamento. Kung tutuusin, ang may pinakamaraming trabaho talaga ay iyong mga kahera. Sila ang pinakamadalas masita dahil pera ang pinag-uusapan doon. At sa kanila din may pinakamadalas masisante. Kung tatanga-tanga ka sa trabaho mo, talagang hindi ka tatagal sa pagiging kahera. Pero ang sweldo nila, lamang ng apat na dolyar kada oras tapos makikihati pa sila? Ang pagpapalit ng pera, ilang minuto lang naman nangyayari. Kung mabilis ka, segundo lang, lalayas na sa paningin mo iyang kustomer na iyan. Hindi mangyayaring magbubunganga siya sa loob ng walong oras o mahigit pa dahil wala namang rason maliban na lang kung talagang sira ang ulo niya. Ang guest services, sa hindi naman sa lahat ng oras nakikuhalubilo sila sa kustomer. Kukuha ka lang ng numero, kukuha ng jacket, ngingiti at tatawa ng kaunti. Mga slot attendants, kung ikukumpara mo, palakad-lakad lang ang mga iyan. Kapag may mali sa makina, ilagay mo sa 'report of activity'. Siyempre, komo dealer ako, mas sasabihin kong mas mahirap ang trabaho namin. Isang halimbawa na lang sa isang talagang malas na araw. Kung lasing ang kustomer at napag-tripang maglaro sa mesa mo, kapag mamalasin ka talaga'y walong oras mo siyang makakasama. At hindi lang iyang nag-iisa. Kung mamalasin ka talaga, mahigit sampo iyang mga iyan sa mesa mo, dakdakan ng dakdakan kung paano ka naging bwisit sa buhay nila.

Kung idadaing ng ibang departamento na lahat sila, nabibigyan rin ng singhal ng mga kustomer, nangyayari talaga iyon. Kung ang dahilan ng mga kahera's marami silang ginagawa, para que pa na binigyan kayo $12/oras na sahod kung wala rin lang kayong gagawin?

Isa pang isyu ay ang dami ng kontribusyon sa naiipong tip kada gabi ng bawat departamento. Halimbawa na lang, ang nakukuhang tip ng dealer/bisor ay mahigit kumulang na $16000 sa isang mabentang magdamag. Ang makukuha lamang ng pinaghalong departamento ng slot attendant, guest services at mga kahera ay $3000. Eh, kung magkanya-kanya na lang kaya?

Kaso, hindi pwede ang ganoon. Kahit kamo gusto mo, hindi pwede. Napasama na sa hatian ang mga iyan. Masama naman kung biglang aalisan sila ng parte. Kaya kahit masama ang loob ko, wala na akong magagawa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home